Kabuuang tatlumpu’t limang bayan sa Eastern Visayas ang idineklarang malaya na mula sa banta ng New People’s Army (NPA) at naabot ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) status, ayon sa Philippine army.
Kabilang sa mga munisipalidad na nagkamit ng SIPS status simula Enero hanggang kalagitnaan ng Agosto ngayong taon ay ang Pagsanghan, Tarangnan, San Sebastian, Talalora, Sta. Margarita, Almagro, at Sto, Niño sa Samar.
Kasama rin dito ang ilang bayan mula sa mga lalawigan ng Northern Samar, Southern Leyte, Leyte, at Eastern Samar.
Sinabi ni 8th Infantry Division, Major General Camilo Ligayo, na ang mga naturang munisipalidad ay nagkamit ng SIPS status kasunod ng matagumpay na pagsasagawa ng local peace engagement sa mga komunidad at epektibong multi-sectoral commitment sa peace and security.