30 October 2025
Calbayog City
National

106 TRABAHO Partylist, umapela ukol sa dagdag na buwis sa freelancers

Umapela ang TRABAHO Partylist, bilang 106 sa balota, sa mga mambabatas magsulong rin ng mga proteksyon, insentibo, at institusyonal na suporta sa lumalaking sektor ng freelance workers sa bansa, imbis na pinapatawan sila ng karagdagang buwis na makakaapekto sa mga online gig workers.

Ito ay matapos marepaso ang implementing rules and regulations para sa implementasyon ng Republic Act No. 12023, o ang Value-Added Tax on Digital Services Law.

Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng 106 TRABAHO Partylist, kinakailangan ang agarang pagpapatupad ng mga patakarang kikilala sa mahalagang kontribusyon ng freelancers, lalo na sa digital at remote work sectors.

“Ang mga freelancer ay nagsusumikap na umuunlad kahit walang pormal na suporta. Sa halip na buwisan ang mga Pilipinong digital service providers, dapat tayong lumikha ng mga polisiya na magpapalakas at poprotekta sa kanila,” ani Espiritu.

Maraming freelancer ang umaasa sa mga serbisyo gaya ng Upwork, Fiverr, TaskUs, PayPal, at Google Workspace sa kanilang araw-araw na trabaho. Nabahala ang ilan na posibleng tumaas ang singil sa serbisyo o kaya’y malimitahan ang kanilang access sa mga ito dahil sa bagong buwis.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).