KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sampu pang Pilipino mula sa Oddar Meanchey Province sa Cambodia ang ligtas na nakauwi sa Pilipinas sa tulong ng Cambodian Law Enforcement at Philippine Embassy sa Phnom Penh.
Sinalubong ng mga kinatawan mula sa government agencies, kabilang ang DFA, Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration at Inter-Agency Council Against Trafficking, ang sampung repatriates sa airport at binigyan sila ng tulong.
Ang sampung pinoy ay pinagkalooban ng Philippine Embassy ng care packages at binayaran ang kanilang repatriation flights gamit ang assistance to nationals fund ng DFA.
Noong nakaraang linggo ay dalawampu’t anim na pinoy ang ni-repatriate mula sa Oddar Meanchey Province.
Patuloy naman ang paalala ng Philippine Foreign Service sa publiko na iwasang mabiktima ng mapanlinlang na trabaho sa ibang bansa na makikita sa social media.