NAGLUNSAD ang Land Transportation Office – National Capital Region ng hakbang para parusahan ang mga taxi driver na tumatanggi o namimili ng mga pasahero.
Kahapon ay ni-rollout ng LTO-NCR ang “Oplan Isnabero”, sa malalaking transport terminals sa Metro Manila.
Ang naturang kampanya ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang accessible public transportation, kasabay ng pagbabalik ng libo-libong biyahero sa Metro Manila, pagkatapos ng Holy Week break.
Hinimok ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III ang mga taxi driver na tuparin ang kanilang responsibilidad, lalo na sa pagtaas ng commuter demand.
Kasabay nito ang babala na tiyak na maparurusahan ang mga tsuper ng taxi na tatangging magsakay ng pasahero.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagtanggi sa pasahero ay may katapat na multa na mula 5,000 pesos hanggang 15,000 pesos, at ang paulit-ulit na paglabag ay posibleng magresulta sa pagbawi ng Certificate of Public Convenience.