NAGPAABOT ng pakikiramay ang Quezon City Government sa pamilya ni CJ Baldonado na binawian na ng buhay matapos mabagsakan ng palitada mula sa Atherton Condominium sa Tomas Morato noong August 12.
Tiniyak ng QC LGU sa pamilya at sa publiko na gagawin nito ang lahat ng nararapat upang makamit ni CJ at ng dalawa pang batang naapektuhan ng insidente ang hustisya.
Nakikipag-ugnayan na din ang Social Services Development Department sa pamilya upang agad na maipaabot ang kinakailangang tulong.
Ayon pa sa QC LGU, isinasapinal na ng Quezon City Police District at ng pamahalaang lungsod ang Kasong Kriminal at Administratibo para mapanagot ang mga responsable sa pangyayari.
Nakahanda rin ang lokal na pamahalaan na ibigay ang lahat ng tulong para sa pamilya sa anumang hakbang na nais nilang isulong.




