SINUNOG ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Southern Tagalog ang dalawang Effigies – na pinangalanang “Zom-BBM” at “Sara-nanggal” bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kahapon, sa Quezon City.
Sinabi ni Bayan Southern Tagalog Spokesperson Lucky Oraller, na ang dalawang Effigies ay sumisimbolo sa mga “halimaw” na umiiral sa bansa.
Ipinaliwanag ni Oraller na ang “Zom-BBM” ay kumakatawan kay Marcos bilang “Tuta” ng Amerika, na sunud-sunuran lamang aniya sa amo nito na si US President Donald Trump.
Samantala, ang Effigy naman na “Sara-nanggal” na naglalarawan kay Vice President Sara Duterte ay mayroong limpak-limpak na halaga ng salapi sa ibabang bahagi ng katawan, na umano’y ninakaw na Public Funds ng bise presidente.