KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng kaso laban sa isang Immigration Officer sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 makaraang matuklasan na binigyan nito ng Clearance ang pag-alis sa bansa ng tatlong Pinoy patugong Hong Kong kahit peke ang ipinakita nilang Overseas Employment Certificate o OEC.
Unang naharang ng mga tauhan ng NBI-International Airport Investigation Division sina Rhea Angelica Borda, Nora Tafalla, at Baby Rhea Margarico sa NAIA Terminal 3 dahil napag-alamang pineke nila ang kanilang mga dokumento para makaalis ng bansa papuntang Hong Kong.
Kalaunan ay inamin ng tatlo na ni-recruit sila para magtrabaho sa Cambodia bilang Customer Service Representatives.
Sa patuloy na pagsisiyasat, natuklasan na binigyan ng Clearance ni Immigration Officer Mohammad Rashid Alonto ang tatlong pasahero para makaalis papuntang Hong Kong batay na din sa Departure BIBS Stamps na nakita sa kanilang Boarding Passes.
Naisailalim na sa Inquest Proceedings ang tatlong Pinoy sa reklamong Falsification of Public Documents.
Habang ang Immigration Officer na si Alonto na nagtatago sa ngayon ay sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at Republic Act No. 9208 o The Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.




