Mayroong animnapu’t limang barko ng China sa Escoda Shoal, ayon sa Philippine Navy.
Sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, na mayroong siyam na China Coast Guard vessels, apat na people’s liberation army navy ships, at limampu’t dalawang maritime militias sa Escoda o Sabina Shoal.
Gayunman, binigyang diin ni Trinidad na kailanman ay hindi na-kontrol ng Chinese ships ang Escoda, at ang presensya ng mga naturang barko ay iligal.
Tiniyak din ng navy official na ipagpapatuloy nila ang kanilang mandato at hindi patitinag sa pambu-bully ng China, hindi lamang aniya sa Sabina Shoal, kundi sa buong West Philippine Sea.
Idinagdag ni Trinidad na kahit wala ang presensya ng BRP Teresa Magbanua, mayroong iba’t ibang kapabilidad ang Pilipinas para bantayan ang Escoda, gaya ng air-based at space-based.