BINATIKOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang aniya ay mga palpak na Flood Control Project sa iba’t bang lugar sa bansa.
Ayon sa pangulo sa pag-iikot niya matapos ang magkakasunod na bagyo at habagat na tumama sa bansa, nakita niya ang mga palpak na proyekto, maging ang mga proyektong pinondohan pero hindi naman talaga ginawa.
Kaugnay nito ay inatasan ng pangulo ang Department of Public Works and Highways na agarang magsumite sa Office of the President ng listahan ng lahat ng Flood Control Projects sa lahat ng rehiyon sa bansa na sinimulan at nakumpleto sa nakalipas na tatlong taon.
Magkakaroon din ng Regional Project Monitoring Committee na bubusisi sa mga proyekto at sa report ng DPWH kasama ang mga pumalpal na Flood Control Projects, mga hindi natapos at Ghosts Projects.
Ayon sa pangulo, isasapubliko ang nasabing listahan para malayang masuri ng sambayanan.
Tiniyak din ng pangulo na kakasuhan ang lahat ng mga nagsabwatan kasama na ang mga kontratista kaya marami sa mga proyekto ang pumalpak o hindi natapos.