BINANATAN ni Vice President Sara Duterte ang pamahalaan, kabilang na ang Kamara, dahil sa kawalan ng aksyon para tugunan ang mga problema sa kalusugan, seguridad, imprastraktura, at panghihimasok ng mga dayuhan.
Sa statement na naka-address sa Muslim Community, sinabi ni Duterte na ang bansa ay pinamumunuan ng mga opisyal na hindi tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Pinuna ng Bise Presidente ang kakulangan ng imprastraktura para mapigilan ang mga kalamidad, pati ang healthcare system na makapagbibigay ng tunay na pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino at gumaan ang kanilang gastos sa pagpapagamot.
Maging ang airport officials aniya ay kailangang magsikap upang maabot ang world-class facility na magtitiyak sa security at privacy ng lahat ng mga pasahero, lalo na sa mga mas bata.
Sa kasagsagan ng bagyong Carina at habagat dalawang linggo na ang nakalipas, nakuhanan ng litrato si VP Sara sa airport, palabas ng bansa para sa personal na biyahe kasama ang kanyang pamilya.
Binigyang diin ng Bise Presidente na ang Pilipinas ngayon ay patuloy na nagugutom, naghihirap, at lumulubog dahil sa mga mapanlinlang para maupo sa pwesto.




