Mula sa maliliit na pasilidad hanggang sa international stage — nagpakitang gilas ang mga estudyante ng Patin-ay National High School (PNHS), Prosperidad, Agusan del Sur sa 2025 World Smart Industry Expo sa Chongqing, China kamakailan.
Bagay na dapat ipagmalaki ng buong bansa: nakakuha ang PNHS team ng Gold at Bronze medals, at isang espesyal na gantimpala mula sa C for Change Association UK.
Gold Award – para sa kanilang proyekto na “Violet Alingatong (Premna Odorata Blanco),” isang tonic plant na may potensyal na labanan ang epekto ng oxidative stress.
Bronze + UK Special Award – para sa “Insulin Plant (Costus Igneus),” isang neuro-leaf tea formulation na maaaring makatulong laban sa mga neurodegenerative na sakit tulad ng Alzheimer’s, Parkinson’s at dementia.
Ang mga estudyante na sina Mica Ato, Rich Evu Arevalo, Rosti Luce Russel Cifra, Nalieyah Rowan Lucip (Gold team) at Jhaner Juguilon, Jason James Tusoy, Rojan Kyle Quintas, Arabella Margaret Catalan, Rexeth Keith Permale (Bronze/UK Award team) ang bumuo ng winning projects. Sila ay ginabayan nina Elaine Sansait (principal instructor) at mga assistant instructors na sina Marilou Curugan, Jocelyn Sumalinog, at Araceli Reforsado.
Hindi biro ang kanilang naging daan — kailangan nilang humiram ng laptops at iba pang kagamitan, at malaking bahagi ng gastos ay nilikom mula sa mga guro, magulang, lokal na lider, at donors. Sa Chongqing, nakaharap din nila si Consul General Ivan Frank Olea, kung saan ibinahagi nila ang kakulangan sa pasilidad at pinansyal na suporta ng kanilang paaralan.
“Ginawa namin ito hindi lang para sa PNHS, kundi para sa buong Pilipinas. Patunay ito na ang mga kabataang Pilipino ay kayang makipagsabayan sa pandaigdigang entablado,” – pahayag ng kanilang guro.
Isang inspirasyon na mula sa probinsya, kayang umangat at magdala ng karangalan ang kabataang Pilipino sa larangan ng agham at inobasyon.