Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang tatanggaping holiday pay ang mga empleyado na papasok sa trabaho sa February 25 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ito ay makaraang hindi ideklara ng Malakanyang na holiday ang nasabing petsa.
Sa Labor Advisory No. 2 ng DOLE, nakasaad na ang Feb. 25 ay isang Special Working Day.
Ito ay ituturing bilang isang karaniwang araw ng trabaho.
Dahil dito normal ang pagpapasweldo sa mga manggagawa na papasok sa nasabing petsa.
Ipinatutupad naman ang “no work, no pay” sa isang special (working) day, maliban na lamang kung ang kumpanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.