Tiwala ang Department of Justice (DOJ) na hindi magtatagumpay ang bagong hakbang ng legal team ni expelled Negros Oriental Cong. Arnolfo “Arnie” Teves, na isailalim sa panibagong proceedings ang extradition case ng dating mambabatas.
Ayon sa DOJ, kumpiyansa sila na pareho lang din ang kahihinatnan ng bagong proceedings sa naunang desisyon.
Idinagdag ng ahensya na malinaw ang legal merits, at inaasahan nilang haharapin ni Teves ang hustisya sa Pilipinas sa lalong madaling panahon, dahil na rin sa matibay na ebidensya laban sa kanya kaugnay ng patong-patong na kaso, kabilang na ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 2023.
Nilinaw din ng justice department ang napaulat kamakailan tungkol sa umano’y pagpapawalang bisa sa desisyon ng Timor-Leste Court na i-extradite ang dating kongresista.
Taliwas sa naturang report, sinabi ng DOJ na nakapagdesisyon na ang korte sa Timor-Leste, batay sa mga merito, na pauwiin sa Pilipinas si Teves.