KINUMPIRMA ni Vice President Sara Duterte na may nilulutong impeachment complaint laban sa kanya ang ilang kongresista.
Sa media briefing matapos ang pagtalakay sa budget ng Office of the Vice President, sinabi ni VP Sara na batay sa impormasyon mula sa mga kaibigan nila sa Kamara, ay lantaran na rin ang pagtalakay sa planong impeachment laban sa kanya.
Kasabay nito, sinabi ng bise presidente na hindi siya nababahala sa planong pagpapatalsik sa kanya.
Sinabi rin ni VP Sara na tumakbo lamang siya noon sa layuning matutukan ang pagpapatuloy ng mga big ticket projects ng kanyang ama na hindi naman aniya nangyari. Itinuturing din ng bise presidente na harassment ang ginagawa sa kanilang pamilya, dahil banta aniya sila sa nagnanais na manatili sa kapangyarihan o maging prime minister kung sakaling matuloy ang ChaCha.