POSIBLENG ipagpaliban ng COMELEC ang Voter Registration para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na itinakda sa Hulyo, sa gitna ng napipintong Term Extension ng Barangay at SK officials.
Ginawa ni COMELEC Chairperson George Garcia ang pahayag makaraang ratipikahan ng Senado, ang Bicameral Conference Committee Report, para sa pagpapalawig ng termino ng Barangay at SK officials at i-postpone ang halalan sa unang Lunes ng November 2026.
Paliwanag ni Garcia, dapat maintindihan na ito ay political decision at hindi maaring makialam dito ang Poll Body.
Ayon sa COMELEC chief, hihintayin nila ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung aaprubahan o ibabasura ang panukalang batas.
Idinagdag ni Garcia na magkakaroon ng emergency meeting ang Poll Body sa susunod na linggo para pag-usapan ang preparasyon sa BSKE, kabilang na ang pagbili ng requirements, at posibleng suspensyon sa Voter Registration.