POSIBLENG tumaas ang presyo ng mga gulay kasunod ng pananalasa ng bagyong Aghon sa tatlong rehiyon sa bansa.
Sa pagtaya ni Department of Agriculture Assistant Secretary Unichols Manalo, limang piso kada kilo ang maaring itaas sa retail price ng apektadong lowland vegetables mula sa Calabarzon, Mimaropa, at Eastern Visayas.
Nilinaw ni Manalo na sapat ang supply ng mga gulay sa merkado subalit ang kailangang bantayan aniya ay ang mga maaring magsamantala sa sitwasyon.
Idinagdag ng opisyal na nasa dalawampu’t isanlibong ektarya ng taniman sa tatlong rehiyon ang nalagay sa alanganin, bagaman hinihintay pa ng DA central office ang reports ng field offices hinggil sa lawak ng pinsala sa mga pananim.