MAGLULUNSAD ng sariling imbestigasyon ang Central Luzon Office ng Commission on Human Rights (CHR) sa umano’y pag-maltrato sa isang Filipino worker ng ngayo’y sinibak nang tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na si Winston Casio.
Inalis sa kanyang pwesto si Casio noong Martes matapos kumalat ang video sa online, kung saan sinampal nito ang isang manggagawa sa sinalakay na Business Process Outsourcing company na pinaghihinalaang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bagac, Bataan.
Ipinaliwanag ni Casio na nag-ugat ang insidente nang mag-middle finger ang pinoy worker sa harap ng mga operatiba ng PAOCC, kasabay ng pag-amin na nagpadala siya sa kanyang galit.
Naniniwala naman ang CHR na hindi maaring i-justify ng naturang asal ang anumang uri ng pisikal na pagganti mula sa isang public official.
Ipinaalala rin ng komisyon sa mga kawani ng pamahalaan na nakatali sila sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.