MANUNUNGKULAN sa Department of Education si Senador Sonny Angara, simula sa Biyernes, July 19, sa araw na epektibo ang pagbibitiw ni Outgoing DepEd Secretary, Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Angara na sa Miyerkules, July 18, nakatakda ang turnover ceremony at kinabukasan ay pormal na siyang magte-take over sa bagong posisyon kung saan inaasahan niyang makakasalamuha ang bise presidente at mahingan ng mga payo kaugnay sa pagpapatakbo sa ahensya.
Bago pa ang turnover, kinumpirma ni Angara na nakipagpulong na siya sa ilang Undersecretaries at Assistant Secretaries ng DepEd para malaman ang mga bagay na kailangang agad pagtuunan ng pansin. Partikular na inalam ng incoming education secretary ang paghahanda ng ahensya para sa bagong School Year 2024-2025.
Kasabay nito, sinabi ni Angara na bagaman may mga opisyal ng kagawaran ang naghain din ng kanilang resignation ay hindi pa siya sigurado kung magtatalaga ng mga bagong opisyal dahil kailangan pa rin niyang pag-aralan ang sistema sa DepEd.