TULUYAN nang sinampahan ng reklamo ni Senador Risa Hontiveros ang mga taong nasa likod ng viral video ng dating testigo ng senado na si Michael Maurillo.
Hiniling ni Hontiveros ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang tukuyin ang mga nasa likod ng tinawag niyang fake news video kaugnay sa imbestigasyon ng senado sa mga alegasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Matatandaang kumalat ang video ni Maurillo, alyas “Rene” sa social media kung saan inaakusahan nito ang senadora na binayaran siya ng isang milyong piso para tumestigo sa mga seryosong alegasyon laban kay Quiboloy at idawit sina Dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte.
Iginiit ni Hontiveros na bukod sa iba pang mga testigo ay nalagay din sa alanganin ang kaligtasan ng kanyang mga staff, matapos na isapubliko ni Maurillo ang kanilang mga pangalan.
Bilang patunay na hindi pinilit at hindi binayaran si Maurillo ay inilabas ng senadora ang screenshots ng palitan ng mensahe nito sa kanyang mga staff, taliwas sa pahayag na siya’y pinilit at binayaran, kabilang ang mga email at text messages ng testigo na siya mismo ang nag-aalok ng kanyang tulong sa imbestigasyon.