MAKALIPAS ang halos tatlong taong pananalasa, ligtas na mula sa red tide ang lahat ng baybayin sa Eastern Visayas, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Batay sa samples mula sa shellfish na nakolekta mula sa katubigan ng Leyte, Leyte at Matarinao Bay, nakumpirma na toxin-free na ang mga naturang lugar, na huling naalis mula sa listahan ng National Shellfish Bulletin.
Inanunsyo ng BFAR na lahat ng uri ng shellfish mula sa rehiyon ay ligtas nang kainin.
Sinabi ng ahensya na madalas makaranas ang Eastern Visayas ng red tide warnings sa mga nakalipas na taon, at bihirang bihira na hindi dapuan ng red tide.
Kabilang sa mga katubigan na ligtas na sa red tide ay ang mga isla ng Zumarraga at Daram, at mga baybayin ng Maqueda, Cambatutay, Irong-Irong, Villareal, at San Pedro sa Samar.
Red-tide free na rin ang katubigan ng Guiuan sa Eastern Samar; baybayin ng Calubian, Carigara, Cancabato, at Ormoc sa Leyte; Sogod Bay sa Southern Leyte; at coastal waters ng Biliran Island.