Pumalo sa all-time high na 30 million pesos ang nakolektang real property tax ng Calbayog City sa nakalipas na buwan ng Enero.
Ayon kay City Treasurer Ma. Evelyn Obong Junio, malaking pagtaas ito kumpara sa 17 million pesos na koleksyon na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Iniugnay ng City Treasurer ang malaking pag-angat sa koleksyon bunsod ng pinaigting na social media campaign na inilunsad ng kanyang opisina, kung saan nagbigay sila ng 20% discount sa real property tax payment bago matapos ang buwan ng Enero.
Sinabi ni Junio na ang kanilang istratehiya na pag-post ng notices sa social media at pag-display ng tarpaulins sa malalawak na espasyon ay napatunayang epektibo.
Kinilala rin ni Junio ang suportang ipinagkaloob ni Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy sa kanyang opisina, pati na ang mahusay na assessment na isinagawa ng City Assessor’s Office.