INATASAN ng pamahalaang lokal ng Calbiga sa Samar ang lahat ng kanilang punong barangay na mahigpit na ipatupad ang mga hakbang upang makontrol ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF).
Sa Executive Order No. 19 na nilagdaan ni Calbiga Mayor Red Nacario, kinumpirma na positibo sa ASF ang samples na isinumite ng Municipal Agriculture Office na nakuha mula sa Barangay Calingonan.
Nakasaad sa EO na kumalat na ang ASF sa katabing bayan ng San Sebastian at banta ito sa lokal na industriya ng pagba-baboy sa Calbiga.
Dahil dito, kinakailangan ng agaran at mas mahigpit na mga hakbang upang makontrol ang impeksyon sa mga baboy, gaya ng paglalatag ng barangay checkpoints at animal quarantine checkpoints.
Epektibo na rin ang ban sa paggalaw o pagbiyahe sa mga baboy na nasa loob ng red zones, habang kailangan ng barangay certification sa mga papalabas na swine mula sa green zones.