ISINAILALIM sa State of Calamity ang Canlaon City sa Negros Oriental kasunod ng pagputok ng Kanlaon Volcano, ayon sa Office of Civil Defense.
Sinabi ni OCD Spokesperson Edgar Posadas na nagdeklara na ng State of Calamity ang Canlaon City, bagaman hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng resolusyon.
Kahapon ng umaga ay pinangunahan ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas ang Local Disaster Risk Reduction and Management Meeting kung saan tinalakay ang pagdedeklara ng State of Calamity sa lungsod.
Naapektuhan ng pagputok ng bulkan ang limang barangay sa siyudad na kinabibilangan ng Barangay Pula, Masulog, Malaiba, Lumapao, at Linothangan.