SA kabila ng dumaraming insidente ng pagbubuntis sa mga batang edad kinse pababa, nagpahayag si Health Secretary Ted Herbosa ng reservations sa kontrobersyal na Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill.
Sinabi ni Herbosa na hindi na kinakailangan ng bagong batas para talakayin ang isyu dahil ang kailangan lamang ay ipatupad ng maayos ang Republic Act No. 10354 o Responsible Parenthood at Reproductive Health Law of 2012.
Idinagdag ng kalihim na sa tingin niya ay hindi nakatulong ang naturang bill, at sa halip ay nakagulo pa dahil nagalit ang simbahan, pati na ang ibang grupo.
Binigyang-diin ni Herbosa na ang importante ay maturuan at maipaunawa sa lahat ng mamamayan na ang problema ay ang unplanned pregnancy at ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa panganganak.
Inihayag din ng DOH Chief na ang pagbubuntis ng mga batang edad kinse pababa ay nasa ilalim ng “Child Pregnancy” at likas na hindi nakaplano.