LUMOBO sa hanggang 180 pesos ang kada kilo ng kamatis sa mga palengke sa Metro Manila, ayon sa Department of Agriculture.
Batay sa price monitoring ng ahensya, naglalaro ngayon ang presyo ng kamatis sa 110 hanggang 180 pesos per kilo kumpara sa 70 hanggang 140 pesos noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Nueva Vizcaya Agricultural Terminal General Manager Gilbert Cumila, na umakyat sa wholesale price ng kamatis sa pagitan ng 70 hanggang 120 pesos per kilo sa trading post.
Sapat naman daw ang supply subalit ang kompetisyon ng wholesalers na bumibili ng produkto ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo.
Samantala, nananatiling stable ang presyo ng sibuyas, ayon kay Cumila, at inaasahang mayroong sapat na supply nito sa loob ng anim hanggang walong buwan.
Ang retail price ng red onions ay nasa pagitan ng 80 hanggang 150 pesos per kilo habang ang white onions ay nasa 60 hanggang 120 pesos per kilo.