NAKATAKDA nang i-relase ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para mabayaran ng buo ang lahat ng Health Emergency Allowance (HEA) claims ng mga Healthcare Workers.
Ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, lababas na ang P27 bilyon na pondo ngayong Biyernes, July 5.
Matatandaang noong Mayo ng taong ito, opisyal na hiniling ng Department of Health ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P27.453 bilyon.
Ito ay para mabayaran ang natitirang 5,039,926 validated HEA at 4,283 Covid-19 sickness and death compensation claims ng mga kwalipikadong healthcare at non-healthcare na manggagawa.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang P91.283 bilyon na ang naipalabas ng DBM sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA), na sumasaklaw sa lahat ng benepisyo para sa mga healthcare workers mula 2021 hanggang 2023.
Sa halagang ito, P73.261 bilyon ang inilaan partikular para sa HEA.