Daragdagan ang mga pulis na itatalaga para mag-patrol sa malalaking lansangan sa gitna ng mga insidente ng pag-atake ng mga riding-in-tandem nitong mga nakalipas na linggo.
Sinabi ni PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, na sa Metro Manila, ipinag-utos ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, na ire-assign ang nasa animnaraang personnel na dating gumagawa ng administrative task para mag-patrolya sa mga kalsada upang mapagbuti ang police response.
Ayon kay Fajardo, ilang pulis ang gagamit ng motorsiklo habang bisikleta naman ang gagamitin ng iba sa pagpapatrolya sa mga lugar sa loob at labas ng Metro Manila.
Noong May 24 ay isang opisyal ng Land Transportation Office ang binaril sa loob ng kanyang sasakyan sa Quezon City ng mga hindi nakilalang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo.
Noong nakaraang Miyerkules naman ay isang disi sais anyos na graduating student ang nasawi rin sa pamamaril ng riding-in-tandem sa labas ng isang gym sa Tipo-Tipo, Basilan.