PINAIGTING ng Philippine Army sa Eastern Visayas ang kanilang disaster response and recovery efforts sa Bicol Region sa pamamagitan ng kanilang personnel na idineploy, matapos humagupit ang severe tropical storm Kristine.
Ayon kay Brig. Gen. Perfecto Peñaredondo, Acting Commander ng 8th Infantry Division ng army, ibiniyahe ng kanilang mga tauhan ang 1,400 food packs, 1,400 boxes ng drinking water, at 1,000 boxes ng biscuits sa pamamagitan ng tatlong truck, sa binahang mga barangay sa Minalabac, Camarines Sur.
Idiniliver naman ng limang water craft ang mahigit dalawandaang food packs sa Barangay Bagongbong sa naturang bayan.
Inihatid din ng mga tauhan ng army mula sa Leyte at Samar Provinces ang 180 jugs ng inuming tubig sa Barangay Ilaur Sur, sa Oas, Albay, at karagdagang tubig at essential items mula sa Bicol International airport patungo sa local warehouses.
Idinagdag ng opisyal na nasa dalawampung sundalo mula sa Eastern Visayas ang tumutulong sa local government units sa Camarines Sur sa pamamahagi ng relief supplies.