PLANO ng Philippine Olympic Committee (POC) na magpadala ng mga atleta sa mas maraming sports events sa susunod na edisyon ng Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand sa susunod na taon.
Itatampok ng Thailand Organizers ang kabuuang 581 events, kung saan saklaw ang limampung sports at tatlong demonstration sports, kabilang ang Tug of War at Ultimate (frisbee).
Sinabi ni POC President Abraham “Bambol” Tolentino, na mula sa tagumpay sa Paris Olympics, may sapat na panahon ang national federations, pati na ang mga atleta para makapaghanda sa paligsahan sa Thailand.
Sa natitirang mahigit isang taon bago ang SEA Games, positibo si Tolentino na masusungkit muli ng Pilipinas ang overall championship.
Huling napanalunan ng Pilipinas ang top medal count nang mag-host ng SEA Games noong 2019, subalit nalaglag sa ika-apat at ika-limang pwesto sa huling dalawang edisyon sa Vietnam noong 2022 at sa Cambodia noong 2023.