BINIGYANG diin ng Department of Health na ang rabies ay problema sa mga asong gala at pet owners.
Dahil dito, hinimok ng DOH ang mga may-ari na pabakunahan ng anti-rabies ang kanilang mga alagang hayop.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang pag-akyat ng bilang ng mga namamatay dahil sa rabies ay dulot ng pagdami ng mga pakalat-kalat na aso sa bansa, na tinatayang nasa 13 million.
Idinagdag ni Herbosa na alinsunod sa Anti-Rabies Act, responsibilidad ng Local Government Units at Bureau of Animal Industry ang pagbabakuna sa mga aso at pusang gala, habang ang kapakanan ng mga alagang hayop ay sagot ng mga may-ari.
Ayon pa sa kalihim, tuwing Marso ay ikinakampanya nila na pabakunahan ng pet owners ang kanilang mga alagang aso upang maiwasan ang nakamamatay na rabies.