BINALEWALA ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang panibagong kilos protesta ng transport groups na tutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Katwiran ni Bautista, mayorya ng PUV operators at drivers ang sumunod na sa programa.
Sinabi pa ng kalihim na nasanay na sila sa banta ng Manibela, at batay sa mga nakalipas na strikes ay hindi naman ito nakaapekto sa mga commuter.
Nangangahulugan lamang aniya ito na gumagana ang PUVMP.
Kasabay nito ay nagbabala ang DOTr Chief na sisimulan na nila ang crackdown sa mga operator na walang prangkisa.
Ayon kay Bautista, ang mga prangkisa ng mga operator na hindi napa-consolidate sa nakalipas na deadline ng programa ay itinuturing na revoked.