SINURI ng Police Regional Office sa Eastern Visayas (PRO-8) ang implementasyon ng Five-Minute Response Policy sa pamamagitan ng kauna-unahang Police Response Simulation Exercise Competition.
Sinabi ni PRO-8 Director, Brig. Gen. Jay Cumigad na nakatugon ang lahat ng labimpitong Police Units at Stations sa hiling na Police Assistance sa loob ng limang minuto, maliban sa isang lugar kung saan ang nagpa-patrolyang pulis ay hindi pamilyar sa mga kalsada.
Sa pamamagitan ng “friendly competition,” in-assess ang Rapid Response Capability ng Police Units sa mga emergency call sa 911 hotline.
Napanood ang live footage sa isang monitor sa PRO-8 Conference Room mula sa body cameras na suot ng nagpa-patrolyang pulis, pati na ang mga lokasyon ng patrol vehicles sa tulong ng Global Positioning System.
Ang Simulation Competition ay inilunsad, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Police General Nicolas Torre III, para sa layuning subukin at pagbutihin ang kahandaan sa pagtugon ng Police Units sa buong Eastern Visayas.