Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS) ang aabot sa P83.7 million na halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang warehouse sa Bocaue, Bulacan.
Ang operasyon ay ikinasa ng mga ahente ng CIIS-Manila International Container Port (CIIS-MICP) kung saan natuklasan ang 717 mastercases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo sa loob ng sinalakay na warehouse at ang anim na mga truck na punung-puno din ngsigarilyo.
Ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio, magisilbi itong babala sa mga magtatangkang magpuslit hindi lamang ng sigarilyo kundi maging ng iba pang kontrabando na hindi titigil ang kanilang mga tauhan hangga’t hindi sila nahuhuli at nakakasuhan.
Sinabi ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na matapos silang makatanggap ng derogatory information hinggil sa presensya ng mga smuggled na sigarilyo sa nasabing warehouse ay agad silang humiling ng Letter of Authority (LOA) mula kay Rubio.
Nadatnan sa warehouse ang mga brand ng sigarilyo na Modern, TS, Two Moon, Tattoo, Fort, H&P, Xplore, Carnival, Concord, RGD, Marvels, Chesterfields, at New Orleans. Ayon kay Enciso, pansamantalang isinara ang warehouse habang hindi pa natatapos ang imbentaryo sa mga smuggled na produkto.