ANIMNAPUNG miyembro ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) at dalawampung miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nagtamo ng minor injuries nang sumiklab ang kaguluhan sa kulungan sa San Mateo, Rizal.
Sinabi ni BJMP Spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera na pitong PDLs ang nagsimulang mag-noise barrage sa loob ng kulungan, dahilan para mapilitan ang mga awtoridad na patigilin ang mga ito.
Magkakatuwang ang BJMP, PNP, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Mateo upang pahupain ang sitwasyon.
Inihayag ni Bustinera na lahat ng nasugatan ay agad nilapatan ng lunas at mga nagpapagaling na. Naging mitsa umano ng kaguluhan ang pagtutol ng ilang inmates sa cashless system sa pasilidad.