NAGPASALAMAT ang opisina ni Vice President Sara Duterte kay Senador Imee Marcos at sa iba pang supporters sa kanilang tulong at pakikiisa nang humarap ito sa krisis at kagipitan kamakailan.
Sa statement, sinabi ng Office of the Vice President (OVP) na si Senator Imee ang nagbigay ng katiyakan na mayroong order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpahintulot kay VP Sara na masamahan nito ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.
Si Lopez ay na-ospital noong Nov. 23 makaraan umano’y magsuka at mawalan ng malay matapos malaman na ililipat siya sa Women’s Correctional Institution sa Mandaluyong City mula sa Detention Facility ng Kamara.
Sa kaparehong pahayag ay pinasalamatan din ng OVP sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher “Bong Go na kapwa bumisita kay Lopez sa VMMC.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang tanggapan ng pangalawang pangulo sa media sa tuloy-tuloy na pagsisiwalat sa kalagayan ng bansa – sa pagbabantay laban sa kawalan ng hustisya, pandarahas, at pag-uulat sa sinapit ng mga tauhan ng OVP, at sa walang takot na malayang pamamahayag.