Nilinaw ng National Food Authority (NFA) na 80,000 na lamang ang mga sako ng lumang bigas na naka-imbak sa kanilang warehouse, subalit maituturing pa rin ang mga ito na high quality.
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na ang mga dating stocks ay ibinebenta sa Kadiwa Centers sa halagang 29 pesos per kilo.
Ginawa ng NFA Administrator ang paglilinaw matapos maunang ihayag ng Department of Agriculture na nasa anim na milyong sako ng bigas ang na-stock at nanganganib mabulok kung hindi agad madi-dispose.
Tiniyak din ng NFA na ang kanilang stocks ay ligtas sa mga peste, gaya ng bukbok, pati na sa amag, at hindi nila hahayaan na masira ang mga bigas.