BIGO ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na mapaliit ang kanilang deficit makaraang makatanggap ng mas mababang subsidiya mula sa pamahalaan, na nagpalala sa kanilang financial condition.
Sa Financial Report ng LRTA, lumobo sa 69 percent o 3.33 billion pesos ang kanilang net loss simula Enero hanggang Setyembre ng nakaraang taon kumpara sa 1.97 billion na naitala sa kaparehong panahon noong 2022.
Nakapagtala naman ang LRTA ng 58 percent na increase sa revenue na nasa 1.18 billion pesos subalit nabalewala dahil sa 19 percent na pagtaas sa expenses na umabot sa 4.88 billion pesos.
Tinapyasan din ng pamahalaan ang subsidiya nito sa ahensya, kung saan mula sa 1.31 billion pesos ay bumaba sa 309.39 million pesos lamang ang natanggap na suporta ng LRTA sa unang siyam na buwan ng 2023.