NAGSAGAWA ng inspeksyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ginagawang Batasan Station ng MRT-7 sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City kasunod ng naranasang mabilis na pagtaas ng tubig baha sa lugar kapag umuulan.
Sa Assessment ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, may kontribusyon sa nararanasang pagbaha at pagbigat ng daloy ng Traffic ang nagpapatuloy na konstruksyon ng MRT-7.
Nakita kasi ng MMDA na ang MRT-7 ay naglagay ng Manhole sa ibabaw ng mismo ng kasalukuyang Drainage Pipe Culverts sa lugar at ang ginawang Footing Wall sa istasyon ng tren ay nakahaharang sa daloy ng tubig.
Nahihirapan ding maisagawa ang Regular Maintenance sa Drainage System dahil sa presensya ng MRT-7 Project Columns.
Naobserbahan din sa inspeksyon ang mga butas sa kalsada at sira-sirang Drainage Inlets sa lugar.