INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) na gaya sa public schools, maari ring simulan ng private schools ang kanilang mga klase para sa school year 2025-2026 sa June 16.
Binigyang diin ng DepEd na may diskresyon ang mga pribadong paaralan kung i-a-adopt nila o hindi, ang school calendar ng kagawaran.
Maari ring magtakda ang private schools ng sarili nilang pagbubukas ng klase, basta tatalima sila sa school calendar law, kung saan dapat itong simulan sa unang linggo ng Hunyo subalit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.
Ang papasok na academic year ay mula June 16, 2025 hanggang March 31, 2026, na nagbabalik sa pre-pandemic school calendar, alinsunod sa DepEd Order No. 12, Series of 2025.
Sa ilalim ng batas, ang school year ay dapat binubuo ng hindi hihigit sa 220 class days.