Tumaas ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho o pinagkakakitaan sa ikalawang sunod na buwan noong Abril dahil sa epekto ng El Niño, lalo na sa sektor ng agrikultura, batay sa resulta ng latest Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority.
Sinabi ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na umakyat sa 2.04 million ang bilang ng jobless individuals, edad kinse pataas, noong Abril mula sa dalawang milyon noong Marso.
Gayunman, mas mababa ito kumpara sa 2.26 million na jobless persons na naitala noong April 2023.
Ipinaliwanag ni Mapa na posibleng dulot ito ng epekto ng El Niño dahil kapag bumaba aniya ang produksyon ay mababawasan din ang mga empleyado.
Dahil dito, bumaba naman ang bilang ng employed individuals noong Abril sa 48.36 million mula sa 49.15 million noong Marso.
Samantala, lumobo ang bilang ng underemployed individuals o mga naghahanap ng karagdagang oras ng trabaho, sa 7.04 million mula sa 5.39 million.