MAGSASAGAWA ang Comelec ng field testing sa Automated Election System (AES) sa labing apat na lugar sa Pilipinas at sa ibang mga bansa, sa Sabado, bilang paghahanda sa Halalan 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, all set na ang poll body para sa field tests, matapos isailalim sa hardware acceptance test and stress test ang mga makina na gagamitin sa eleksyon, sa kanilang warehouse sa Laguna, kahapon.
Layunin ng naturang hakbang na matiyak na ang precincts at canvass results ay maipadadala sa pamamagitan ng electronic transmission mula sa polling centers at canvassing places patungo sa kani-kanilang authorized destinations.
Isasagawa ang field test sa mga lalawigan ng Antique, Batanes, Davao Del Sur, Palawan, Tawi-Tawi, at isang special geographic area, gayundin sa National Capital Region, partikular sa Maynila, Pateros at Taguig City.
Sa ibang bansa naman, kabilang sa pagdarausan ng field test ang Japan, US, United Arab Emirates at Athens.