ASAHAN ang mas murang presyo ng sibuyas sa mga darating na linggo, sa pagdating ng inangkat na red at white onions.
Sinabi ni Agriculture Spokesperson, Assistant Secretary Arnel De Mesa, na mula sa 240 pesos noong nakaraang linggo ay bumaba na ngayon sa 200 pesos ang kada kilo ng sibuyas.
Aniya, bababa pa ang presyo kapag nakapasok na sa mga palengke ang mga imported na red at white onions.
Mula sa inaprubahang 4,000 metric tons ng imported na sibuyas, 3,236 metric tons ang inaasahang darating ngayong pebrero, batay sa datos ng Bureau of Plant Industry.
Mas mababa ang naturang volume kumpara sa 7,000 metric tons na naiulat na kakapusan para sa kasalukuyang buwan.