UMAASA si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. na makapagtala ng panibagong record ang Pilipinas sa produksiyon ng palay ngayong taon.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang tinapyas na budget ng DA para sa rice production.
Noong 2023 ay nakapagtala ng record-high na 20.06 million metric tons ng aning palay.
Ayon kay Tiu, inaasahang mas magiging maganda ang ani ngayong 2025 kumpara noong 2023.
Binigyang-diin ng kalihim na nagbigay na ng go signal si Pangulong Marcos Jr. para bilhin ang mga kailangan upang mas marami ang magiging ani at malampasan ang 20 million metric tons.
Sinabi ng kalihim na ang pagpapabalik sa P10 billion budget cut para sa programa sa bigas ay magagamit ng ahensiya para magpatupad ng mga istratehiya at makamit ang orihinal target na 20.46 milyon metric tons ng palay ngayong taon.
Naharap sa matinding hamon ang produksiyon ng palay noong nakalipas na taon dahil sa epektong dulot ng El Niño phenomenon at napinsala ang mga pananim dahil sa mga pagbaha sa panahon naman ng La Niña.
Ang paunang pagtaya sa 2024 rice output ay 19.3 milion metric tons, mas mababa kumpara sa record noong 2023.
(DDC)