AABOT sa limampu’t limang Chinese Vessels ang naispatan sa limang features sa West Philippine Sea.
Sa press briefing, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad, na dalawang China Coast Guard (CCG) ships at dalawampu’t apat na Chinese maritime militia vessels ang nasa labas ng Bajo De Masinloc.
Samantala, isang CCG Vessel at limang barkong pangisda ng Tsina ang namataan sa Ayungin Shoal habang isang CCG at labinsiyam na maritime militia vessels ang malapit sa Pagasa Island.
Mayroon ding dalawang Chinese maritime militia vessel malapit sa Panata Island at isang Chinese People’s Liberation Army Navy Ship sa labas ng Lawak Island.
Inihayag ni Trinidad na naitala ang mga naturang barko, hanggang kahapon, na mas marami kumpara sa apatnapu’t limang Chinese ships na namataan noong April 10.