HINILING ng Philippine National Police sa Meta na i-take down ang mahigit 1,300 posts na pawang peke at malisyoso bilang bahagi ng kanilang mas pinaigting na kampanya sa Cyber-Patrolling at para malabanan ang Disinformation.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police General Nicolas Torre III karamihan sa mga pekeng post ay tinatarget ang gobyerno partikular si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ang PNP gamit ang mga peke o gawa-gawang istorya o kaya ay mga video na sa ibang bansa nangyari at pagkatapos ay palalabasing sa Pilipinas ito naganap.
Tinukoy ni Torre ang mga page na nagpapalaganap ng Fake News ang “Richie Vlogs” na ayon sa PNP chief ay nai-report na nila sa Meta.
Binatikos ni Torre ang mga “DDS Vloggers” na aniya ay walang magawa kundi magpalaganap ng misinformation.
Babala ni Torre sa “DDS Trolls” patuloy ang pagbabantay ng PNP sa mga nagpapalaganap ng pekeng impormasyon.
Ayon kay Torre sa report ng Anti-Cybercrime Group, mula Enero hanggang August 13 ngayong taon ay umabot na sa 1,378 posts ang na-monitor na mayroong “mapanlinlang na content” kung saan 1,372 ang hiniling sa Meta na mai-take down.