Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Si Yang Jianxin, 54-anyos ay inaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) at intelligence division (ID) ng BI sa pakikipagtulungan sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Nadakip ang nakatatandang Yang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos siyang dumating galing sa Cagayan de Oro.
Si Yang na gumagamit din ng alyas na Antonio Lim, ay subject ng mission order ng BI.
Nahaharap siya sa deportation case dahil sa pagiging undesirable alien at misrepresentation dahil sa kaniyang pagpapanggap na Filipino at pamemeke ng kaniyang impormasyon sa SEC certification ng Phil Sanjia Corporation na kaniyag pag-aari.
Inireklamo din si Yang ng mga empleyado ng naturang kumpanya dahil sa hindi niya pagre-remit ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), PAG-IBIG, at PhilHealth. Haharapin muna ni Yang ang mga kaso niya sa bansa bago simulan ang deportation proceedings laban sa kaniya.