KINUWESTYON ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy ang motibo ng mga pribadong indibidwal na nag-alok ng sampung milyong pisong pabuya para sa ikadarakip ng puganteng religious leader.
Nagtataka si Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel ni Quiboloy, kung bakit ayaw pangalanan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mga pribadong personalidad upang makilatis din ng publiko ang dahilan ng mga ito sa pag-aalok ng malaking reward.
Noong Lunes ay inanunsyo ni Abalos na mayroong mga “kaibigan” na nais tumulong sa kaso ni Quiboloy at nag-alok ng 10 million pesos na reward kapalit ng impormasyon sa kinaroroonan ng kontrobersyal na pastor.
Bukod kay Quiboloy ay mayroon ding tig-isang milyong pisong pabuya para sa makapagtuturo sa lima pa nitong co-accused.
Inisyuhan ng Warrants of Arrest si Quiboloy at limang iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. at Republic Act No. 9208 o Qualified Human Trafficking.