TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ang kahandaan ng Pilipinas na tumanggap ng investments mula South Korea, sa ginanap na Philippines-Korea Business Forum, sa Manila Hotel na dinaluhan din ni South Korean President Yoon Suk Yeol.
Sa kanyang talumpati, ibinida ng pangulo ang mga ipinasang batas na magpapagaan at magpapaluwag sa pagne-negosyo sa bansa, kasama ang pagpapabilis ng approval process at value-added tax refund system, at pagpapalawak ng tax incentives alinsunod sa global standards.
Ito ay sa ilalim ng Public-Private Partnership Code of the Philippines, Internet Transactions Act, Tatak Pinoy Act, at ang isinusulong na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o ang CREATE MORE Act.
Ipinagmalaki rin ng punong ehekutibo ang anim na porsyentong paglago ng ekonomiya ng bansa, patunay na ang pilipinas ay isa sa fastest-growing economies sa rehiyon.
Pinapurihan din ng Pangulo ang Asean-Korea Free Trade Agreement, Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement, at ang ni-ratipikahang Philippines-Korea Free Trade Agreement na magtatapyas ng taripa sa mga pangunahing produkto tulad ng agricultural goods, electronics, at automotive components.