POSIBLENG abutin ng dalawa hanggang tatlong buwan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito, ayon kay senate President Francis Escudero ay kung ibabatay sa naging paglilitis noon kay dating Chief Justice Renato Corona.
Kinumpirma rin ni Escudero na sa pagpasok na ng 20th congress o isang araw matapos ang ikaapat na sona ni Pangulong Bongbong Marcos sa hulyo masisimulan ang proper trial dahil sa loob ng mga araw na natitira sa 19th congress ay isasagawa pa ang pre-trial proceedings.
Ipinaliwanag pa ng senate leader na bago pa tuluyang magconvene ang impeachment court ay kinakailangan munang aprubahan ng senado ang kanilang ipatutupad na rules kung saan ibabatay ang magiging takbo ng trial.
Para naman sa mga kumukwestyon sa sinasabi ni Escudero na posibleng tumawid sa 20th congress ang trial, tanong ng senate leader, bakit pinatagal sa kamara ang articles of impeachment at mamadaliin ang pagtalakay sa senado.
Sa kasaysayan anya ay hindi pa nangyaring agad agad binuo ang impeachment court matapos maisumite sa senado ang reklamo.