Malaki ang ibinaba sa bilang ng text scams makaraang ipagbawal ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesman Winston Casio na magmula nang i-ban ni pangulong Marcos ang POGO ay malaki ang ibinagsak ng natatanggap nilang text scams.
Sinegundahan ito ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Spokesperson Aboy Paraisa, sa pagsasabing, nanahimik ang kanilang mga telepono para sa mga sumbong na na-scam sa iba’t ibang uri ng promos.
Libu-libong sim cards ang nakumpiska nang salakayin ng PAOCC ang mga POGO, kabilang na ang sa Las Piñas.
Ayon sa ahensya, ginagamit ang mga sim sa text scams at harassments, gaya ng online “pautang” o loans na mula sa mga POGO hub.